TUGUEGARAO CITY-Gagawa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan para tuluyan nang ipagbawal ang pagsakay ng mga tao sa elf , truck , pick up at lahat ng mga sasakyan na bakante ang likod.
Ito ay kasunod nang pagkahulog ng elf truck sa Conner, Apayao na ikinasawi ng 19 na katao at pagkasugat ng mahigit 20 nitong nakalipas na sabado.
Ayon kay Board Member Cris Barcena, head ng committee on transportation ng SP, ipapabatid nila sa lahat ng mga mayors maging ang mga barangay chairman ang naturang resolusyon para tumulong sa pagpapakalat ng naturang impormasyon.
Aniya, kailangang gumawa ng paraan ang mga mayors maging ang mga kapitan para malaman ng kanilang mga constituent ang pagbabawal ng pagsakay ng tao sa likod ng mga nabanggit na sasakyan.
Layon ng nasabing resolusyon na masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at para hindi na maulit ang trahedya sa Apayao.
Kaugnay nito, sinabi ni Barcena na bukas, araw ng miyerkules ay kanyang ipiprisinta ang naturang resolusyon sa Sanguniang Panlalawigan para agad na maipatupad sa lalawigan.
Kaugnay nito, niilinaw ni Barcena na kung panahon ng kalamidad ay hindi ipatutupad ang naturang resolusyon dahil kailangan ang mga naturang sasakyan sa paghakot ng tao para ilipat sa mas ligtas na lugar.