Iaapela ng Human Rights Watchdog ang desisyon ng Court of Appeals (CA) sa pagbasura sa inihaing petisyon for Writ of Amparo at Habeas Data laban kay Pangulong Duterte at mga matataas na opisyal ng militar.

Itoy kaugnay sa umanoy red tagging o pag-ugnay sa kanila sa CPP-NPA at panghaharas ng pamahalaan sa hanay ng mga militanteng grupo tulad ng Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines (RMP).

Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Jigz Clamor, deputy General ng Karapatan na plano nilang maghain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema.

Iginigiit ng grupo na may banta sa kanilang buhay at seguridad kung saan umabot na umano sa 60 ang namatay na mga human rights defenders simula taoang 2000 kung saan wala umanong napanagot sa mga nasabing kaso.

Nanawagan din ang Karapatan sa international community na makiisa sa panawagan para mapanagot ang mga nasa likod ng pagpaslang sa mga nagtatanggol sa mga karapatan ng mga mahihirap na mamamayan

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga respondents sina Pangulong Rodrigo Duterte, Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal, DILG Sec. Eduardo Año, PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde at National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon.

Ipinaliwanag ng CA na nabigo ang Karapatan at mga kasamahan nito na magpalabas ng sapat na ebidensiya na ang kanilang mga karapatan ay nilabag ni Pangulong Duterte at ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan.

—with reports from Bombo Marvin Cangcang