Pinaghahandaan ngayon ng Commision on Higher Education (CHED) Region 2 ang mga ilalatag na panuntunan sa inaasahang pagbubukas ng klase sa mga degree programs ng tertiary level sa NCR at sa iba pang rehiyon sa bansa.
Ito ay kasunod ng pahayag ng pamunuan ng CHED Central office na pahihintulutan ang naturang hakbang sa ilalim ng alert level 2 o mga lugar na may mga mabababang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Julieta Paras, director ng CHED Region 2, isinasaayos na ang mga guidlines na ipatutupad para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga gurong papasok sa mga unibersidad.
sinabi niya na malaki ang maitutulong ng bakuna para magkaroon ng proteksyon ang mga kawani at estudyanteng papasok sa bawat unibersidad.
Una rito ay may ilang Higher Education Institution na umano sa rehiyon ang una ng pinayagan noong nakaraang taon na magre-open ng campus para sa mga medical courses alinsunod sa ibinabang panuntunan ng IATF.
Sinundan pa ito ng limitadong pagbubuks para sa mga non-health programs tulad ng Engineering, Maritime, HRM at iba pang technology programs.
Saad ni Paras, kabilang din sa maaaring ikunsidera sa ibababang guidline ay dapat na fully vaccinated ang mga faculty members at non-teaching staffs na papasok sa mga unibersidad na pahihintulutang makapagsagawa ng face to face classes.
Magkakaroon din ng flexible learning option sa mga estudyante at mga kawani na hindi nakapagpabakuna dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Ngunit saad niya, hanggat maaari sana ay tangkilikin ang pagpapabakuna dahil ito ang isang magiging basehan upang pahintulutang pumasok sila para sa face to face classes.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang pangkalahatang guidlines na ipatutupad mula sa central office sa pamamagitan na rin ng pakikipag-ugnayan sa DOH.
Sinabi ni Paras na nasa 75% na mula sa halos 5,000 na mga Higher Education Institution personnel sa buong rehiyon ang bakunado na habang sa mahigit 120k na mga estudyante ay nasa 10% pa lamang umano ang nababakunahan.
Giit pa nito, ang lahat ng mga campuses na papayagan sa limited face to face classes ay dadaan muna sa evaluation at monitoring ng CHED at ng DOH para masuri ang mga pasilidad bago mabigyan ng Certificate of Authority sa pagbubukas ng klase.
Samantala, sinabi pa niya na sa ngayon ay nakikipagtulungan na rin ang mga unibersidad sa rehiyon sa vaccination program ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-aalok ng vaccination site tulad ng inumpisahan ng Nueva Vizcaya State University.
Makikipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga LGUs upang makatulong sa pagbabakuna ang mga unibersidad na nag-aalok ng mga medical cources.