Sisimulan ngayong araw ang pagdinig sa apela ng Vietnamese property tycoon na hinatulan ng death penalty dahil sa fraud o pagkulimbat ng $27 billion matapos na humingi siya ng mas maluwag ay makatao na hatol.
Sinentensiyahan si property developer Truong My Lan, 68, nitong buwan ng Enero dahil sa pagkulimbat ng pera mula sa Saigon Commercial Bank (SCB), na ayon sa mga prosecutor ay kanyang kontrolado, at hinatulan siya ng kamatayan sa isa sa pinakamalaking kaso ng korupsiyon sa kasaysayan.
Libu-libong mamamayan na naglagay ng kanilang savings sa bangko ang nawalan ng pera, na ikinagulat ng nasabing bansa at nagbunsod ng protesta mula sa mga biktima.
Pag-aaralan ng korte sa Ho Chi Minh City ang kahilingan ni Lan para mapababa ang kanyang hatol, kasama ang 47 na iba pang defendants, sa tatlong linggo na paglilitis na dadaluhan ng 100 mga abogado.
Sinabi ni Lan sa kanyang limang pahinang apela, na ang hatol sa kanya na kamatayan ay masyadong mabigat.
Ang apela ni Lan ay kasunod ng kanyang hatol sa kasong money laundering at pagkakulong ng habang-buhay sa isang hiwalay na kaso nitong nakalipas na buwan.
Inatasan din siya ng korte na bayaran ang lahat ng danyos.