
Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga pageant personalities ang naging kontrobersyal na pahayag nina Brandon Espiritu at Jether Palomo na umanong nagpapakita ng pagiging mapagmataas ng ilang “halfies” sa pageantry.
Nag-ugat ang isyu matapos mag-post si Guam-born Kapuso star Brandon Espiritu at fitness enthusiast na si Jether Palomo ng mga pahayag tungkol sa kanilang allegiance sa Estados Unidos kahit na nirerepresenta nila ang Pilipinas sa international pageants. Sinabi rin ni Espiritu na hindi magkakaroon ng tsansa ang bansa sa international stage kung wala ang mga “halfies.”
Bilang tugon, iginiit ng Filipina-Palestinian beauty queen na si Gazini Ganados na hindi nasusukat ang pagiging Pilipino sa dugo kundi sa pagmamahal, respeto, at serbisyo sa bansa.
Ayon naman sa Mister World 2026 champion na si Oliver Eugen Kretz, hindi mahalaga ang pinagmulan basta may respeto at tunay na pagmamahal sa bansang nirerepresenta.
Ipinagtanggol din ng Mister International 2025 na si Kirk Bondad si Espiritu, ngunit nilinaw niyang hindi siya sang-ayon sa naging pahayag nito at dapat ay hindi ito agad hinuhusgahan batay sa isang pagkakataon lamang.
Samantala, iginiit ng Mister Pilipinas-Cosmo 2026 na si Enzo Bonoan na ang pagiging Pilipino ay hindi nakabatay sa dugo o wika, at binigyang-diin na lahat ng Pilipino, anuman ang pinagmulan, ay dapat tanggapin at igalang.
Mariin namang kinondena ng aktres at beauty queen na si Stacey Gabriel at designer na si Michael Cinco ang naturang mga pahayag, na tinawag nilang nakasisira at mapanirang-puri sa kapwa Pilipino.
Umani ng matinding batikos online ang isyu, habang binura na rin ng mga sangkot ang kanilang mga post at naglabas ng paumanhin.










