Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang local government units ang mangunguna sa konstruksyon ng mga silid-aralan.

Sinabi ito ni Marcos sa paglagda sa memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Education at iba’t ibang probinsiya para sa nationwide classroom building sa Heroes Hall sa Malacañang.

Ayon sa Pangulo, papalitan na ang sistema dahil ang kasalukuyang proseso ay masyadong mabagal.

Sinabi niya na sa ilalim ng partnership, ang DepEd ang magtatakda ng standards, magbigay ng disenyo, at magbigay ng pondo para sa mga gagawing silid-aralan.

Ayon sa Pangulo, ang kakulangan ng silid-aralan as of December 2025 ay 145,000 units.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit niya na dahil hindi na kailangan na maghintay ng lima hanggang 10 taon para matiyak na bawat mag-aaral ay may komportableng silid-aralan, ay ginawa ang partnership sa local government units upang matugunan ang mga kakulangan.

Kumpiyansa ang Pangulo na hindi magreresulta sa ghost o substandard ang paggawa ng mga school facilities ng LGUs, dahil nakikita mismo ng mga residente ang mga proyekto.

Sa ilalim ng kasunduan, ang LGU ang gagawa ng konstruksyon, rehabilitasyon at pagpapaganda sa mga classrooms sa loob ng kanilang nasasakupan, kabilang ang procurement at on-site implementation, na nakabatay sa national standards.

Ang DepEd naman ang tutukoy sa priority schools, gagawa ng standard classroom designs at technical specifications, at titingin sa proseso sa pamamagitan ng plan review, titiyak na natapos ang proyekto, at compliance checks sa safety, accessibility at quality standards.

Magkatuwang ang DepEd at LGUs sa responsibilities for funding, monitoring, at long-term maintainance, na suportado ng regular financial at physical accomplishment reports, key performance indicators, at public closure measures para matiyak ang transparency, accountability at napapanahon na pagkumpleto sa proyekto.