Ipinagpaliban ang mga nakalinyang aktibidad sa selebrasyon ng ika-25th founding anniversary ng Kalinga at Bodong festival dahil sa novel coronavirus scare.

Gayonman, nilinaw ni Dionica Alyssa Mercado, tagapagsalita ng Kalinga Provincial Government na tuloy pa rin ang paggunita sa anibersaryo ng lalawigan sa February 14 subalit simpleng seremonya na lamang ang isasagawa dahil ililipat sa ibang araw ang mga nakalinyang aktibidad.

Kasabay nito, binawi na rin ang anunsiyo na walang pasok sa Pebrero 13 kung saan tanging Pebrero 14 na lamang ang walang pasok na deklaradong holiday.

Sinabi ni Mercado na ito ay bilang tugon sa panawagan ng Department of Health na iwasan muna ang pagsasagawa ng malakihang pagtitipon o aktibidad lalo na ang Department of Education bilang preventive measures sa banta ng NCoV.

Karamihan kasi aniya sa mga natitirang aktibidad ng founding anniversary ay lalahukan ng mga mag-aaral tulad ng drum and lyre, bodong street dance at marami pang iba.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos din dumalo sa ipinatawag na pagpupulong ng mga local chief executives ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kaagad pinulong ni Governor Ferdinand Tubban ang DepEd, Provincial health Office at committee na nangangasiwa sa mga aktibidad ng naturang selebrasyon para sa pagpapaliban sa ilang aktibidad ng Kalinga day.