Ipagpapatuloy bukas ang isinasagawang search and rescue operation sa isang construction worker na nalunod sa Cagayan river sa bahagi ng bayan ng Enrile, Cagayan nitong Martes ng umaga, November 26.
Kinilala ang biktima na si Jaypee Valderama, 34-anyos, nakasuot ng red shorts at walang pangt-itaas na residente ng Brgy. Fugu, Ballesteros, Cagayan.
Ayon kay Don Erickson Orje, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office- Enrile, nagkayayaan aniya ang biktima at dalawang kasama nitong construction worker na maligo sa ilog matapos mag-inuman sa kanilang bunk house.
Nagpaalam pa umano ang biktima sa kanyang foreman sa pamamagitan ng text na hindi makakapasok nang araw na iyon dahil sa ito ay maysakit ngunit bandang alas 11:00 ng umaga nang nadatnan nito ang tatlo na naliligo sa ilog na nasa impluwensiya ng alak.
Agad namang pinaahon ng foreman ang mga ito subalit muling lumangoy ang biktima at natangay ng malakas na agos ng tubig.
Sinubukan pang iligtas ng mga kasamahan nito ang biktima subalit nabigo ang mga ito hanggang sa bigla na lamang nawala.
Sa ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operations ng MDRRMO-Enrile katuwang ang iba pang ahensya.
Muli namang ipinaalala ni Orje na bawal ang paliligo o paglangoy sa cagayan river.