
Bineberipika na ng pamahalaan ng Pilipinas ang ulat hinggil sa pagkasawi ng isang overseas Filipino worker o OFW matapos ang insidente ng pagharang sa isang drone na target umano ang pasilidad ng langis sa Saudi Arabia.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nakikipag-ugnayan na ang kanilang mga tauhan sa mga awtoridad ng Saudi Arabia at sa pamilya ng naiulat na nasawing Pilipino upang matiyak ang mga detalye ng insidente at maibigay ang kinakailangang tulong.
Batay sa pahayag ng Energy Ministry ng Saudi Arabia, dalawang katao, kabilang ang isang Pilipino at isang Nepali, ang nasawi matapos mahulugan ng mga debris mula sa drone na na-intercept ng air defense systems malapit sa Shaybah oilfield ng Saudi Aramco noong Miyerkules, Oktubre 21. Dalawa pang dayuhan ang nasugatan.
Sinabi ng OWWA na patuloy na tinututukan ng kanilang mga tauhan sa Saudi Arabia, katuwang ang Department of Migrant Workers at Philippine Embassy sa Riyadh, ang pangyayari.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy nilang aalalayan ang pamilya ng naiulat na nasawing OFW at magbibigay ng nararapat na suporta habang bineberipika pa ang mga detalye ng insidente.










