
Maaaring gamitin bilang basehan sa Good Conduct Time Allowance o GCTA ang aktibong paglahok ng persons deprived of liberty o PDL sa mga aktibidad na may kaugnayan sa halalan.
Ito ay matapos pagtibayin ng Commission on Elections o Comelec ang rekomendasyon ni Chair George Garcia na kilalanin ang voter registration, aktuwal na pagboto at voter education ng mga PDL bilang mga gawaing maaaring pagkakitaan ng GCTA.
Inatasan ng Comelec ang Vulnerable Sectors Office na bumuo ng mga alituntunin para sa pagpapatupad nito. Inaasahan ding magkakaroon ng kasunduan ang Comelec, Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, maaaring mabawasan ang sentensiya ng isang PDL batay sa mabuting asal at iba pang kwalipikadong gawain, kabilang ang pag-aaral, pagtuturo o mentoring.










