TUGUEGARAO CITY-Nagpapatuloy ang isinasagawang paglikas sa mga residente na apektado ng pagbaha dito sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Lovely Bilas ng Task Force Lingkod Cagayan o TFLC sa Sanchez Mira, patuloy ang pagbuhos ng ulan kung kayat puspusan ang paglikas sa mga naninirahan sa mababang lugar sa bayan ng Sanchez Mira, Claveria at Pamplona.
Naunang inilikas sa gymnasium ang 145 pamilya na binubuo ng 540 katao na residente ng Brgy. Nagsabaran; 181 pamilya sa Brgy. Cadcadir, pitong pamilya sa Brgy. Centro 5 at 24 na pamilya sa Brgy. Taggat Sur sa bayan ng Claveria.
Sa bayan ng Sanchez Mira, tatlong katao ang inilikas sa Brgy. Namuac habang limang indibidwal sa Brgy. San Andres.
Isang pamilya na katumbas ng siyam na katao ang inilakas naman sa bayan ng Pamplona.
Ayon kay Bilas na apektado ang mga ito ng pagbaha at flashfloods.
Natanggal naman na ang bumagsak na puno sa kalsada sa Brgy. Cadcadir habang patuloy ang ginagawang clearing operations ng mga otoridad sa pangunguna ng DPWH sa mga serye ng landslides sa bayan ng Sta.Praxedes.
Nagdala naman ang Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 ng inisyal na 1000 family food packs para sa mga naapektuhan ng pagguho ng lupa at pagbaha sa bayan ng Claveria at Sta. Praxedes.
Napag-alaman na may mga alagang kalabaw at baka ang natabunan ng landslide sa bayan ng Sta. Praxedes. with reports from Bombo Marvin Cangcang