Kinumpirma mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pipirmahan niya ang panukalang batas na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Kasunod ito ng pahayag ng Commission on Elections na wala ng formal signing ceremony para sa panukala at posibleng mag-lapse into law na lang ito.
Paliwanag ng Pangulo, kailangang kasing tutukan ang kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Oktubre para sa kapayapaan sa Mindanao.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, katatapos lang ng midterm elections at mismong ang COMELEC na ang nagsabi na magiging mabigat ang magkakasabay na tatlong malalaking halalan sa loob ng maikling panahon.
Hindi rin aniya magiging conflict ang batas sa desisyon ng Korte Suprema na hindi maaaring paikliin ang termino ng mga barangay officials, dahil mapapahaba pa ang kanilang panunungkulan sa postponement ng eleksyon.
Dahil dito, iuurong ang BSKE polls sa November 2026.
Ma-i-extend din ang termino ng barangay at SK officials sa apat na taon, kung saan dalawang four-year term para sa mga barangay captain at kagawad, at isang four-year term naman para sa mga SK officials.