Nagkaroon ng malaking pagbabago sa liderato ng Senado matapos ideklarang bakante ang lahat ng posisyon ng mga opisyal nito, dahilan upang magsimula ang reorganisasyon sa loob ng mataas na kapulungan.

Sa gitna ng reorganisasyon, inanunsyo na nominado si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President. ang nominasyon ay nagmula sa grupo ng mga senador na kilala umanong malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa plenaryo, sinabi ni dating Senate President Vicente Sotto III na bakante na ang posisyon ng Senate President kaya kinakailangan nang maghalal ng bagong lider ng Senado.

Matapos ang nominasyon at kawalan ng pagtutol mula sa mayorya ng mga senador, pormal na nahalal si Cayetano bilang bagong Senate President.

Samantala, itinalaga naman si Senador Joel Villanueva bilang acting majority floor leader habang nagpapatuloy ang reorganisasyon sa Senado.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t walang naging pormal na pagtutol sa halalan, nagpahayag naman ng “serious reservation” ang ilang senador mula sa kabilang panig ngunit kinilala nilang wala silang sapat na bilang upang pigilan ang pagkahalal ni Cayetano.

Sa ngayon, nakatuon ang pansin ng publiko sa magiging direksyon ng Senado sa ilalim ng bagong liderato, lalo na sa paghawak nito sa mahahalagang usaping pambansa at mga legal na proseso na kinakaharap ng bansa.