Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura upang mapalakas ang ekonomiya bilang bahagi ng patuloy na mga reporma sa bansa.

Ibinigay ni Pangulong Marcos ang direktiba habang pinamumunuan niya ang isang pulong kasama ang kanyang economic team, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ayon kay Castro, tinalakay sa pulong ang mga estratehiya upang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa, kabilang ang digitalization upang mapabilis ang paglikha ng mga trabaho.

Inatasan din ng Pangulo ang pagpapabilis ng mga proyektong pang-imprastruktura, lalo na ang pagtatayo ng mga silid-aralan.

Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng administrasyong Marcos ang pagbawas ng kahirapan at panlipunang proteksyon; paglago ng ekonomiya at empleyo; kalusugan, edukasyon, at pagpapaunlad ng human capital; at sustenable at inklusibong kaunlaran.

-- ADVERTISEMENT --

Inatasan din ng Pangulo ang mga ahensya ng pamahalaan na magsumite ng ulat sa progreso ng kanilang mga proyekto tuwing dalawang linggo upang masubaybayan ang bawat yugto ng pagpapatupad ng mga proyektong nasa ilalim ng kanilang nasasakupan.