Pitong bayan sa lalawigan ng Cagayan ang binabantayan laban sa posibilidad ng pagpasok ng nakamamatay na virus kasunod ng outbreak ng H5N1 birdflu virus sa China.

Sinabi ni Dr Myka Ponce ng Provincial Veterinary Office ng Cagayan na dalawang beses sa isang taon nagsasagawa ng surveillance ang pamahalaan sa mga sa mga wetland areas na pinupuntahan ng migratory birds.

Dahil sa malamig na panahon sa ibang bansa ay dumarayo ang mga migratory birds sa Pilipinas partikular sa bayan ng Claveria, Sta Ana, Enrile, PeƱablanca, Sanchez Mira, Buguey at Ballesteros.

Tiniyak ni Ponce na regular ang pagkolekta ng mga sample sa mga itik o pato na may direktang kontak sa migratory birds kung saan wala pang na-irecord na nagpositibo sa birdflu virus.

Pinayuhan din ni Ponce ang publiko na huwag hulihin o kainin ang mga ito dahil posibleng maging carrier ng nakakahawang virus ang mga ibon na mula sa ibang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Ponce na kung may mga kaso ng namatay na ibon ay isangguni ito sa mga otoridad.

Bukod sa 2019 NCoV ay nagdulot din ng panibagong pangamba sa publiko ang H5N1 bird flu virus outbreak sa Hunan Province sa China na pumatay sa nasa libo-libong manok.