Nilinaw ni Mayor Almar Malannag ng Balbalan, Kalinga na walang inilikas na mga mamamayan sa nangyaring dalawang magkasunod na engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at New People’s Army kahapon ng umaga sa Barangay Balbalan Proper at Maling.

Reaksion ito ni Malannag sa ulat ng isang human rights group na may mga lumikas na mga residente sa mga nasabing barangay dahil sa nasabing labanan.

Binigyan diin ni Malannag na wala ring katotohanan ang inihayag ng nasabing grupo na nagsagawa ng pambobomba ang chopper ng militar na nagbunsod para naperwisyo umano ang pagtatrabaho ng ilang mamamayan sa lugar.

Sinabi niya na bago pa man dumating ang chopper ng militar ay sinabihan niya ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na huwag munang lumabas ng kanilang mga tahanan at huwag munang pumunta sa kanilang mga bukid para sa kanilang kaligtasan.

itinanggi din ni Malannag na nagpasabog ng bomba ang chopper sa halip nagsagawa ito ng close air support thru’ interdiction fire.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, pinagsabihan niya ang nasabing grupo na huwag makialam sa nangyayari sa kanilang bayan dahil hindi nila alam ang sitwasyon.

Samantala, sinabi ni Malannag na wala pa 10 ang natitirang rebelde sa kanilang bayan at ang nakasagupa ng militar na nasa 20 ay mula sa iba’t ibang lugar at umiikot sila sa Cordillera.

Ayon sa kanya, ang Balbalan kasi ay mas mabilis na daanan papuntang Apayao, Abra, at Mt. Provice.

Sinabi ni Malannag na sa ngayon ay nasa encounter site pa ang tatlong batalyon ng mga sundalo at kinordon ang lugar upang matiyak na hindi makakatakas ang nasabing rebeldeng grupo.