TUGUEGARAO CITY-Hindi derektang solusyon sa pagbaba ng teenage pregnancy ang panukala ng National Youth Commission (NYC) na paghiwalayin ang babae at lalaking estudyante sa klase.
Ayon kay Ferdinand Narciso ng Department of Education (DEPED)-Region 2, ito’y dahil hindi naman nababantayan ang mga kabataan paglabas ng kanilang paaralan.
Aniya, bagamat maganda ang layunin ng nasabing panukala, maaari umano itong magpalala dahil pinipigilan ang mga mag-aaral na makihalubilo o makisama sa kanilang kapwa mag-aaral.
Sinabi ni Narciso na sa halip na paghiwalayin ang klase ng babae at lalaking mag-aaral, paigtingin na lamang at palakasin ang sex orientation o sex education.
Ito ay para mabigyan nang mas malawak na kaalaman ang mga mag-aaral ukol sa hindi magandang epekto ng maagang pagbubuntis.
Sa panahon aniya ngayon ay halos lahat na ng mga mag-aaral ay may sariling cellphone kung kaya’t hindi 100 percent na nababantayan ang mga mag-aaral sa kanilang mga galaw kaya nararapat na bigyan ng kaalaman ukol sa nasabing usapin.
Kaugnay nito,hinimok ni Narciso ang mga magulang, komunidad at lahat ng sektor na tumulong para sa pagbibigay gabay at paalala sa mga kabataan ukol sa hindi magandang dulot ng teenage pregnancy.
Samantala, Umaasa ang Commission on Population and Development (POPCOM)na tuluyan nang mapababa ang naitatalang teenage pregnancy kung maaaprubahan at maipapatupad ang nasabing panukala.
Ayon kay Herita Macarubbo, Director ng POPCOM-Region 2, ito ay dahil mailalayo ang kontak o pagsasama ng mga babae at lalaki sa iisang silid aralan.
Aniya, kadalasan sa mga nakikitang dahilan ng paglago ng teenage pregnancy ay premarital sex, impluwensiya ng teknolohiya, panonood ng pornographic material at walang kaalaman sa maagang pagbubuntis.
Sakabila nito, sinabi ni Macarubbo na napaka-importante pa rin ang paggabay ng mga magulang para maturuan ng tamang asal ang mga bata at mailayo sa kaso ng maagang pagbubuntis.
Matatandaan, una nang iminungkahi ni NYC chairperson Ryan Enriquez ang paghihiwalay sa babae at lalaking estudyante upang maiwasan ang pagdami ng teenage pregnancy at HIV sa edad na 15 hanggang 30.