
Iginiit ng Malacañang na dapat panagutin at harapin ang kaukulang kaso ng sinumang mapatunayang may pananagutan sa anumang paglabag, anuman ang kanilang political affiliation o personal na ugnayan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos magsampa ang Office of the Ombudsman ng P7.4-bilyong plunder case laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, na pinsan ng Pangulo, kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Castro, kabilang man sa mga kinasuhan ang kamag-anak, kaibigan, kaalyado o maging political opponent ng Pangulo, dapat manaig ang ebidensiya sa pagtukoy kung sino ang dapat managot.
Samantala, sinabi ni Castro na nirerespeto ng Malacañang ang hakbang ng Ombudsman. Tungkol naman sa personal na reaksyon ni Marcos sa pagkakaso kay Romualdez, sinabi niyang hindi pa niya nakakausap ang Pangulo hinggil dito.
Dagdag niya, nasa mga kinasuhan na ang pagpapakita ng sapat na ebidensiya upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga alegasyon.








