Tiniyak ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang imbestigasyon ni Senator Panfilo Lacson sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects sa Taguig City kahit pa nagkaroon ng hakbang para ayusin ang relasyon nito kay Senator Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, positibo ang Palasyo sa pagkakasundo ng dalawang senador dahil makatutulong ito sa mas maayos nilang pagtatrabaho bilang mga opisyal ng pamahalaan.

Gayunman, sinabi ni Castro na naniniwala silang hindi ikokompromiso ni Lacson ang imbestigasyon at ipagpapatuloy ito kung may sapat na ebidensya.

Nag-ugat ang usapin matapos sabihin ni Senator Erwin Tulfo na nagkaroon ng caucus ang mga senador upang subukang ayusin ang hindi pagkakaunawaan nina Lacson at Cayetano.

Si Lacson ang nangunguna sa pagbusisi sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects sa Taguig, habang itinanggi naman ni Cayetano ang anumang maling gawain.

-- ADVERTISEMENT --