
Nilinaw ng Palasyo na hindi nagharana si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa First Lady Liza Araneta-Marcos habang kasagsagan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dahil sa Habagat.
Ito ang paglilinaw ni Palace Press Officer Claire Castro matapos kumalat ang video mula sa dating Vigan City Mayor Jose Singson Jr. kung saan makikitang binabati at kinakantahan ni Marcos ang kanyang asawa. Umani ito ng batikos mula sa ilang netizen na nagsabing tila nagdiriwang ang Pangulo habang maraming lugar sa bansa ang nakararanas ng pagbaha.
Ayon kay Castro, kinunan ang video sa gabi matapos matapos ni Marcos ang kanyang mga tungkulin sa maghapon. Aniya, ilang oras lamang ang inilaan ng Pangulo para makasama ang kanyang asawa at ilang malalapit na kamag-anak.
Sinabi rin ng opisyal na maaaring makita ng publiko na insensitive ang ginawa ng Pangulo kung mali ang kontekstong ibinigay sa naturang video. Ngunit iginiit niyang binaluktot umano ng mga kritiko at tinawag niyang mga “detractors and obstructionists” ang naratibo tungkol dito.










