Iginiit ng Malacañang na iginagalang nito ang desisyon ng Sandiganbayan na payagan ang piyansa ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong malversation kaugnay ng umano’y P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, nasa Sandiganbayan ang kapangyarihang magpasya sa ganitong mga usapin at nakasalalay naman sa mga prosecutor ang magiging susunod na legal na hakbang. Aniya, dapat manaig ang batas at ang tamang proseso.

Matapos payagan ang kanyang petisyon para sa piyansa, agad na naglagak si Revilla ng P1 milyong cash bond at pinalaya mula sa Quezon City Jail Male Dormitory. Samantala, sinabi ng Office of the Ombudsman na nananatili itong kumpiyansa sa lakas ng ebidensya laban kay Revilla at gagamitin nito ang lahat ng legal na remedyo upang ipagpatuloy ang kaso.