
Iginagalang ng Malacañang ang panawagan ni Pampanga Governor Lilia Pineda sa mga residente na manalangin sa gitna ng mga kalamidad, ngunit iginiit nitong patuloy na ginagampanan ng gobyerno ang responsibilidad nito sa mga mamamayan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang masama sa sama-samang pananalangin, lalo na’t kabilang ang climate change sa mga salik na nagdudulot ng mga matitinding kalamidad. Nauna nang sinabi ni Pineda na wala umanong makapipigil sa matinding pagbaha kundi ang Diyos at hindi kayang gawin ng gobyerno ang lahat.
Sinabi ni Castro na mahirap diktahan ang mga opisyal kung paano nila ihahatid ang kanilang mensahe sa mga nasasakupan kaya nasa publiko na kung paano ito tatanggapin at bibigyang-kahulugan.
Sumang-ayon din ang Palasyo na kailangan ang pakikipagtulungan ng publiko sa pamahalaan sa panahon ng kalamidad. Kabilang dito ang pagsunod sa mga itinakdang no-build zone sa mga lugar na mataas ang panganib sa sakuna, na dapat ipatupad ng mga lokal na pamahalaan.
Tiniyak ni Castro na patuloy na magbibigay ng ayuda at serbisyo ang gobyerno, ngunit kailangan din umano ang pakikiisa at pagsunod ng mga mamamayan upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad.










