Itinanggi ng Malacañang ang alegasyon ni Senate President Alan Peter Cayetano na may tangkang pahinain ang Senado sa pamamagitan ng pagsusulong ng Charter change o pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, walang nakikitang koneksyon ang Palasyo sa pagitan ng mga nagdaang pangyayari sa Senado at umano’y plano para sa constitutional change.

Sinabi rin ni Castro na wala umanong usapin tungkol sa Cha-cha sa loob ng Malacañang o sa anumang pagpupulong ng administrasyon.

Dagdag pa niya, maging ang pagpapalawig umano ng termino ng mga opisyal ay hindi rin napag-uusapan sa Palasyo.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na tila konektado ang mga nangyayaring tensyon sa Senado sa panibagong usapin hinggil sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

-- ADVERTISEMENT --