
Kinuwestiyon ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang kampo ni Vice President Sara Duterte matapos nitong igiit na maaaring maharap sa kaso at pag-uusig ang iba pang impeachable officials, kabilang ang Pangulo, kung maaari itong mangyari sa isang nakaupong bise presidente.
Ayon kay Castro, tila panibagong banta na naman ito laban kay President Ferdinand Marcos Jr. Gayunman, iginiit niyang walang sinuman ang nakatataas sa batas.
Sinabi ni Castro na dapat managot ang sinumang lumalabag sa batas o umaabuso sa kapangyarihan.
Samantala, sinabi ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Vice President Duterte sa grave threats case ng National Bureau of Investigation, na naghain sila ng manifestation upang igiit ang oral arguments sa mosyon ng bise presidente na ipawalang-bisa ang kaso.
Ayon kay Lim, maaaring magkaroon ng malawak na implikasyon ang kaso dahil maaari umanong maharap sa pag-uusig ang iba pang impeachable officials, kabilang ang Ombudsman, mga miyembro ng Constitutional Commissions, Supreme Court justices, at maging ang Pangulo.










