
Nanawagan ang Malacañang sa mga nasa likod ng paglalagay ng mga inabandonang kabaong sa ilang lansangan sa Metro Manila na makipagtulungan na lamang sa pamahalaan sa halip na magdulot ng pangamba at kaguluhan sa publiko.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may karapatan ang bawat isa sa malayang pagpapahayag ngunit hindi aniya nakatutulong sa bansa ang mga ganitong paraan ng pagpapahayag ng saloobin. Hinikayat din niya ang mga may hinaing na idaan ito sa tamang proseso at makipag-ugnayan sa pamahalaan.
Samantala, iniutos ni Philippine National Police Chief Police General Nicolas Torre III ang masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang mga responsable. Kinondena rin ng Department of Foreign Affairs ang paglalagay ng mga kabaong na may mensaheng kontra sa China at hinikayat ng Malacañang ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad o sa 911 ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.










