nanawagan ang malacañang sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura matapos lumala ang problema sa basura kasunod ng pagbaha dulot ng habagat.

Ayon kay palace press officer at undersecretary Claire Castro, hindi kakayanin ng pamahalaan na tugunan ang problema kung patuloy ang iresponsableng pagtatapon ng basura ng ilang mamamayan.

Binigyang-diin ni Castro na dapat magtulungan ang lahat upang mapanatiling malinis ang mga kalsada at daluyan ng tubig, lalo na’t malaking bulto ng basura ang naanod at nagkalat matapos ang pagbaha.

Hinimok din ang mga opisyal ng barangay na paigtingin ang pagpapatupad ng disiplina sa waste management sa kanilang mga komunidad, kabilang ang paggamit ng mga CCTV para matukoy ang mga lumalabag.

Samantala, sinabi ng Palasyo na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtulungan ang pamahalaan at publiko upang maiwasan ang paglala ng problema sa basura na maaari ring magdulot ng pagbaha at iba pang panganib sa komunidad.

-- ADVERTISEMENT --