
Nilinaw ng Malacañang na ang pagbubuo ng Crisis Committee ay hakbang para maging mas maayos, organisado, at handa ang pamahalaan sa posibleng epekto ng tensyon sa Middle East sa suplay ng langis.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hindi dapat maghintay na lumala ang sitwasyon bago kumilos.
Mahalaga aniyang may nakatutok na agad sa monitoring at koordinasyon dahil “daig ng maagap ang masipag,” lalo na sa mga banta na maaaring makaapekto sa bansa.
Nauna nang sinabi ng Palasyo wala pang oil crisis sa ngayon, pero bahagi ng responsableng pamamahala ang pagiging handa sa anumang posibleng kakulangan sa suplay o pagtaas ng presyo.
Batay rin sa Department of Energy (DOE) maituturing lamang na supply crisis ang sitwasyon kapag bumaba sa mas mababa sa 15 araw ang oil reserves ng bansa at tumanggi na ang mga supplier na mag-deliver.










