Nilinaw ng Malacañang na hindi sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawal makipagnegosyo ang Pilipinas sa China, kundi ang posibleng paggamit ng pondong mula sa ibang bansa upang makialam sa politika ang tinutukoy na banta sa pambansang seguridad.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang pahayag ang Pangulo na nagbabawal sa pakikipagnegosyo sa Beijing. Ang usapin aniya ay ang mga alegasyon na may pondong mula sa China na ginagamit sa pamumulitika, na kailangan pang mapatunayan.

Nauna nang sinabi ni Vice President Sara Duterte na walang masama sa pakikipagnegosyo sa China, kasunod ng pahayag ni Marcos na maituturing na banta sa pambansang seguridad ang umano’y pagtanggap ng pondo mula rito kung mapatutunayang totoo.

Ayon kay Castro, kabilang sa mga alegasyong dapat linawin ang umano’y pagtanggap ni Duterte ng P150 milyon mula sa China sa pamamagitan ng Tapat at Malasakit Foundation.

Samantala, tiniyak ng Palasyo na hindi isinasara ng Pilipinas ang ugnayan nito sa China. Patuloy aniya ang pakikipag-ugnayan ng dalawang bansa dahil nais din ng pamahalaan na magpatuloy ang kalakalan at pamumuhunan.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi naman nagbigay ng pahayag si Castro sa usapin ng komunikasyong militar ng Pilipinas at China, at iniwan ito sa Department of National Defense upang linawin.