Sinabi ng Malacañang na ang pag-urong ng apat na umano’y dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co sa kanilang mga naunang salaysay laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, at iba pang personalidad ay nagpapakita umano na may mga taong binabayaran upang gumawa ng mga gawa-gawang akusasyon.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may mga nakikitang indikasyon na bahagi umano ito ng plano ng ilang Duterte supporters, kabilang si dating Congressman Mike Defensor at iba pa, upang magsagawa ng destabilisasyon. Dagdag niya, nasa Office of the Ombudsman na ang usapin at ito na ang bahalang magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.

Nanawagan din si Castro sa publiko na huwag magpapagamit o magpapabuyo sa mga ganitong umano’y plano kapalit ng pera dahil maaari itong makasira sa mga inosenteng tao. Nauna nang apat sa 18 lalaking nagsabing dati silang security personnel ni Co ang umatras sa kanilang mga naunang affidavit at sinabing hindi totoo ang kanilang mga naunang alegasyon.