Nagbabala ang Malacañang sa mga lokal na opisyal laban sa paniningil sa mga benepisyaryo ng rice assistance ng pamahalaan at hinikayat ang publiko na iulat ang anumang iregularidad, kabilang ang umano’y kulang sa timbang na mga sako ng bigas.

Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na dapat walang bayad ang mga bigas na ipinapamahagi sa ilalim ng Local Government Support Fund o LGSF.

Hinimok din ni Castro ang mga benepisyaryo na agad magsumbong kung may mga sako ng bigas na kulang sa timbang o kung may sinisingil kapalit ng ayuda upang agad itong maaksyunan ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, lahat ng barangay at local government units ay sakop ng programa at walang pinipiling lugar o kulay pulitikal sa pamamahagi ng ayuda.

Binanggit din ni Castro na ayon kay Naga City Mayor Leni Robredo, nasaksihan nito na ang pamamahagi ng bigas sa ilalim ng LGSF ay isinasagawa para sa lahat ng benepisyaryo anuman ang kanilang political affiliation.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan din ng Palasyo ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na opisyal upang malaman ang nakalaang alokasyon ng bigas para sa kanilang lugar.