
Iginiit ng Malacañang na naging patas at propesyonal ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng batas at pag-secure sa Quezon City Hall of Justice nang mag-post ng piyansa si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang grave threats case.
Ayon sa Presidential Communications Office, walang kinikilingan at walang halong pulitika ang PNP sa pagtupad sa mandato nito at patuloy nitong pinoprotektahan ang karapatan ng lahat. Hinimok din ang publiko na idaan sa legal na proseso ang anumang reklamo laban sa pulisya at iwasang magpakalat ng mga alegasyong walang batayan.
Samantala, sinabi ni Duterte na hindi siya ligtas at may naitala umano siyang mga banta at harassment mula pa noong 2023. Iginiit niyang nangangamba siya para sa kaligtasan ng kanyang mga anak at pakiramdam niya ay maaari siyang patayin.
Nag-post si Duterte ng P120,000 bail para sa bawat isa sa tatlong counts ng grave threats matapos makitaan ng probable cause ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98. Ayon sa kanyang abogado, itinuring na siyang “surrendered” matapos siyang magtungo sa korte.









