Ipinagtanggol ng Malacañang ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa umano’y pagkakadetine ng dating House appropriations chair na si Zaldy Co sa Czech Republic.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, tama ang impormasyon ng Pangulo na nasa kustodiya ng Czech authorities si Co at napigilan ang kanyang paggalaw, kahit hindi ito pormal na arrest ayon sa Department of Justice (DOJ).

Nilinaw din ni Castro na ang salitang “nahuli” na ginamit ng Pangulo ay pangkalahatang termino lamang at puwedeng tumukoy sa pagka-hold, hindi kinakailangang legal arrest.

Sinabi ng DOJ na hindi inaresto si Co, kundi pinigil lang matapos umanong tangkaing tumawid sa Czech-German border nang walang sapat na travel documents.

Nasa Prague ngayon si Justice Secretary Fredderick Vida para makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon tungkol sa sitwasyon ni Co.

-- ADVERTISEMENT --

Si Co ay nahaharap sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y iregularidad sa P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.