Tuguegarao City- Nanawagan si Batanes Governor Marilou Cayco sa tanggapan ng Civil Aviation Authority Philippines (CAAP) sa Tuguegarao na payagan ang kanilang mga Locally Stranded Individual na makauwi sa kanilang probinsya.
Ito ay matapos na maabutan ng ipinatutupad na Modified Enhaced Community Quarantine sa Tuguegarao City ang kanilang mga kababayang LSI.
Sinabi ni Gov. Cayco na aabot sa 30-35 na mga OFWs, non-OFWs at mga Authorized Person Outside Residence ang naabutan ng MECQ at hindi pa nakakabalik ng Batanes.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang kanilang tanggapan sa Office of the Civil Defense Region 2 para sa barkong maaaring sakyan ng mga APOR na kailangan na ring makabalik sa kanilang probinsya.
Samantala, inihayag pa ng Gobernador na negatibo rin ang resulta ng swab test ng nasa 103 katao na nakasalamuha ng dalawang LSI na nagpositibo sa COVID-19.
Kaugnay nito ay nakasailalim ngayon sa GCQ ang batanes at bahagi nito ay hinigpitan ang mga inilatag na panuntunan kung saan hindi pa rin pinapayagan ang anumang uri ng pagtitipon sa lugar.
Sinabi pa ni Cayco na obligado rin ang mga residente sa pagsusuot ng face mask, face shield at pagpapanatili ng social distancing upang maiwasan pa rin ang pagkalat ng virus.