TUGUEGARAO CITY-Namigay ng relief assistance ang pamahalaang panlungsod ng Tabuk sa probinsya ng Kalinga sa limang bayan sa Cagayan at Isabela na unang nasalanta ng malawakang pagbaha.
Sa pangunguna ni Mayor Darwin Estrañero ng Tabuk City, naipamahagi ang truck load ng relief goods sa bayan ng Lal-lo, Amulung at Alcala sa Cagayan habang sa bayan naman ng Sta Maria at Cabagan sa Isabela sa tulong ng Philippine Army.
Ilan sa kanilang ipinamahagi ay ang malinis na tubig, bigas, food packs at damit kung saan kanila umanong ginamit ang kanilang pondo na inaprubahan ng sanguniang panlungsod ng Tabuk at mga donasyon mula sa pribadong indibidwal.
Kaugnay nito, labis ang pasasalamat ni Mayor Elpidio Rendon ng Amulung sa natanggap na ayuda dahil marami sa kanyang mga residente ang naapektuhan ng kalamidad.
Nagpasalamat din si Mayor Tin Antonio ng Alcala sa ipinamahaging tulong dahil ilan sa kanyang mamamayan ay nasira ang pangkabuhayan at ari-arian dahil dito naimbak ang mga putik, bato at iba pang debris bunsod ng matinding pagbaha.
Ayon naman kay Mayor Florence Oliver Pascual ng Lal-lo, malaking tulong sa kanyang mga reisdente ang natanggap na tulong dahil marami sa kanyang mga residente ang lumikas nang maranasan ang pagbaha sa lalawigan.