Lumabas sa paunang imbestigasyon ng Department of Education (DepEd) na maaaring planado ang nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 20 iba pa.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, batay sa report ng isang adviser, tahimik umano ang isa sa mga estudyanteng sangkot at hindi ito pumasok sa paaralan ng halos isang linggo bago nangyari ang insidente.

Lumabas din sa imbestigasyon na sinabing may “activity” umano sila sa Maynila.

Sinabi pa ni Angara na may impormasyon na maaaring may group chat ang mga suspek na menor de edad at tinukoy na isang “mission” ang isinagawang plano ng mga ito.

Dagdag pa ng kalihim, bagama’t hindi pa ito pinal na konklusyon, lumilitaw na posibleng pinaghandaan ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag din ang DepEd na magbibigay sila ng agarang psychosocial support sa mga guro at kawani ng paaralan, at magtatalaga rin ng guidance counselor para tumulong sa mga apektadong estudyante.

Samantala, ayon naman sa DepEd Undersecretary for Operations na si Dr. Malcolm Garma, may mga indikasyon din na nagpapakita na posibleng pinagplanuhan ang pamamaril.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang nasa kustodiya na ng Tacloban City Social Welfare and Development Office ang dalawang menor de edad na suspek na edad 14 at 15.