
Nagsalita na ang pamilya Aquino sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na baka matulad ang kaniyang amang si Former President Rodrigo Duterte sa sinapit ng in-assassinate na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sakaling bumalik ito sa Pilipinas.
Sa isang pahayag ng Ninoy & Cory Aquino Foundation ngayong araw, binigyang-diin ng pamilya Aquino na kung pag-aaraalan ang kasaysayan, malayong magkatulad umano ang nangyari kay Ninoy sa pinagdadaanan ngayon ni FPRRD.
Samantala, sa isang social media post, tinawag ni former Senator Leila De Lima na isang desperadong pagtatangka ang aniya’y drama ni Duterte para matakasan ang kaniyang pananagutan.
Ang hustisya aniya ay hindi madadala ng melodrama kundi ng katotohanan at ang kasaysayan lang ang nakakaalam ng pagkakaiba.
Sinabi rin ni De Lima na bumalik si Ninoy sa bansa kahit na alam niyang buhay niya ang kapalit at ang kaniya umanong katapangan ay para sa bayan, para sa demokrasiya at para sa mamamayang Pilipino.
Matatandaan na sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni VP Sara na binalaan niya ang kaniyang ama na posibleng matulad ito kay Aquino kung ipipilit niyang bumalik dito sa bansa.
Sa kasaysayan, maaalalang in-assassinate si Aquino sa tarmac ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Agosto 21, 1983, na dating kilala bilang Manila International Airport, matapos siyang ma-exile sa Amerika ng ilang taon.
Ang pagpaslang kay Aquino ay nangyari sa ilalim ng pamumuno ng yumaong si Ferdinand Marcos Sr., ama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itinuturong may kinalaman sa insidente, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa napatunayan.