
Isinugal ng isang pamilya sa Laurel, Batangas ang kanilang kaligtasan upang maihatid sa huling hantungan ang kanilang yumaong mahal sa buhay sa gitna ng malakas na ulan at baha nitong Huwebes ng umaga.
Sa larawan, makikitang tinawid ng mga nagluluksa ang umaapaw na spillway habang buhat-buhat ang kabaong.
Ayon sa mga residente, ito raw ang pinakamadaling daan patungo sa sementeryo.
Nagpahayag ng pag-aalala ang mga awtoridad sa ginawang pagtawid ng pamilya sa spillway dahil delikado ito.
Dahil dito, nagpadala ng mga tauhan ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection upang pigilan ang mga tao sa pagtawid sa baha.
Samantala, malawakang pagbaha rin ang nararanasan sa bayan ng Lemery, dahilan upang mahirapan ang mga motorista at pedestrian.
Isang residente ang hindi na nakauwi agad matapos lumubog sa baha ang kanyang motorsiklo habang pauwi upang tumulong sa paglikas ng kanyang pamilya.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Lemery, higit sa 400 pamilya mula sa mga baybaying barangay ang nailikas na dahil sa patuloy na pag-ulan. Mula pa raw madaling araw ay nagsimula nang dumami ang mga residenteng nagsilikas.
Patuloy na nagsasagawa ng clearing operations ang engineering department ng munisipyo sa mga drainage at kanal upang mabawasan ang pagbaha sa lugar.