Matagumpay na nakabalik sa kanyang pag-aaral ang dalagitang anak ng isang mangingisda mula Aparri, Cagayan na nakarekober ng floating shabu sa dagat at isinuko sa pulisya sa Abulug, Cagayan.
Ito ay bilang tulong ng pulisya sa pamilya ng hindi na pinangalanang mangingisda sa ipinamalas nitong katapatan sa pagsuko ng milyong halaga ng narekober na kontrabando sa municipal boundary ng Abulug at Ballesteros noong August 5, 2024.
Sa tulong ni PCAPT Junjun Torio, deputy chief of police ng PNP-Abulug, personal niyang sinamahan ang 14-anyos na dalagita na mamili ng mga gamit sa paaralan at magpa-enroll sa Junior High School sa bayan ng Aparri.
Nabatid na isang taon rin itong huminto sa pag-aaral nang minsang magkasakit noong nakaraang taon at dahil sa kakapusan ng pera na pantustos sa pang-araw araw na gastusin sa paaralan.
Nakiusap rin ang nasabing PNP official sa Municipal Social Welfare Development office ng Aparri na huwag tanggalin sa listahan ng 4Ps ang pamilya ng mangingisda dahil nagpatuloy na sa pag-aaral ang anak nito na isa sa mga kailangan para maging aktibong miyembro ng naturang programa.
Namahagi rin ang pulisya ng Abulug ng grocery items sa pamilya, bukod pa sa mga ibinigay na tulong ng ilang elected officials at probadong mamamayan.
Nanawagan naman si Torio sa ibat-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor na ibigay ang nararapat na tulong sa pamilya ng naturang mangingisda na iniwan ng kanyang asawa at tatlo sa pitong anak nito ay nasa kanyang kostodiya.