Umaapela ng tulong ang pamilya ng nawalan ng tirahan at kagamitan matapos sunugin ng kanilang kaanak na umanoy may diperensiya sa pag-iisip sa bayan ng Baggao noong Biyernes.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng isa sa matinding nasunugan na si Ginoong Oscar Nicolas ng Brgy Asassi, na unang sinunog ng 27-anyos na suspek ang kanyang bahay na gawa lamang sa light materials at isinunod ang mga katabing bahay o kubo na pinaglagyan ng mga gamit pansaka na maituturing na totally burned.
Ayon kay Nicolas, bukod sa mga damit nilang mag-asawa ay kasamang nasunog sa bahay ang isang thresher, isang water pump, isang solar, gamot para sa damo ng pananim na mais at dalawang sako ng abono.
Isinunod naman umano ng suspek na sunugin ang chainsaw at higaan sa katabing kubo na pagmamay-ari ni Roberto Nicolas, bago muling sinunog ang isa pang bahay na pagmamay-ari ni Paul Panganiban at isang motorsiklo na pagmamay-ari ni Jayson Reyes.
Nabatid pa na dati na ring sinunog ng suspek ang kanilang bahay sa highway kung kaya nais din ng kanyang magulang na maikulong sana subalit ipinagbabawal naman ito sa ilalim ng batas.
Gayunman, kapag mapatunayan na may psychological disorder ang suspek ay umaasa si Ginoong Nicolas na madala ito sa pagamutan upang hindi na makapamerwisyo pa.
Dahil dito kung kaya humihingi ng tulong si Ginoong Nicolas para sa mga nawalang makinarya na malaking tulong sa kanyang pagsasaka dahil bukod sa pagsasaka ang ikinabubuhay ay mahina na rin ito.
Maaring ipadala ang donasyon sa GCash Number na 0965-6677360 sa pangalan ni Fredie Mamauag.