
Patuloy ang pamilya ni Filipino doctor Juan Carlos Manalo sa paghahanap sa kanya matapos siyang mawala kasunod ng malawakang flash flood sa hangganan ng Nepal at China. Posibleng nasa isang hotel sa Timure Town si Manalo nang tumama ang baha.
Ayon sa pamilya, pinayuhan sila ng Philippine Embassy sa New Delhi na huwag munang magtungo sa Timure dahil nananatiling delikado ang lugar dahil sa mga sirang kalsada at pagkawala ng kuryente.
Patuloy naman silang nakikipag-ugnayan sa Nepali police, emergency response team at Philippine Embassy para sa anumang update.
Huling na-trace ang cellphone ni Manalo sa Timure area mga 10 minuto bago tumama ang baha, bago tuluyang nawalan ng komunikasyon sa lugar.
Nagpasalamat din ang pamilya sa mga indibidwal mula Nepal, India at China na tumutulong sa pagtunton sa kanyang cellphone at SIM card.





