Humingi ng tulong ang Department of Migrant Workers o DMW sa labor minister ng Nepal para sa paghahanap kay Filipino physician Juan Carlos Manalo na nawawala matapos ang malawakang flash flood sa hangganan ng Nepal at China.

Ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac, pormal niyang ipinaabot sa kanyang counterpart na si Nepal Labour Minister Ramjee Yadav ang kahilingan ng Pilipinas para sa anumang impormasyon at tulong sa paghahanap kay Manalo.

Patuloy din ang koordinasyon ng DMW kay Philippine Ambassador to New Delhi Josel Ignacio, na nakikipag-ugnayan naman kay Suraj Vaidya, Honorary Consul General ng Pilipinas sa Nepal, kaugnay ng search and rescue efforts para sa nawawalang doktor.