TUGUEGARAO CITY-Nananawagan ng hustisya ang pamilya ng prosecutor na pinatay matapos pagbabarilin sa Brgy. Malama, Conner, Apayao.

Nakilala ang biktima na si Atty. Victor Begtang Jr., 51-anyos na nakatalaga bilang deputy prosecutor sa lungsod ng Ilagan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng nakatatanda nitong kapatid na si dating Vice Mayor Ruel Begtang ng Conner na pinagbabaril ng riding in tandem na nakasuot ng helmet sa harap mismo ng bahay nito sa Brgy. Malama pasado alas dos ng hapon kahapon.

Ayon kay Begtang na nag-aayos ng kaniyang sasakyan ang biktima nang nilapitan siya ng gunman at pinaputukan ng apat na beses.

Kuwento pa nito na nagsipagtakbuhan matapos na nagulat ang mga tao na gumagawa ng hallowblocks na negosyo ng biktima nang makitang pinagbabaril si Begtang.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya na batay umano sa kuwento ng mga nakasaksi, tumambay muna ang mga suspek sa isang tindahan na malapit sa bahay ng biktima bago siya nilapitan at binaril ng cal. 45.

Isinugod sa Conner District Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa kaniyang dibdib na tumagos umano sa kaniyang baga.

Palaisipan naman sa pamilya ang motibo dahil marami naman umano siyang natulungan na mahihirap na mayroong problema sa legal.

Naniniwala ang mga ito na walang kinalaman sa kaniyang trabaho bilang piskal ang pagpaslang.

Wala rin umanong naikuwento ang biktima na banta sa kaniya noong buhay pa siya.

Hiniling din umano ng Office of the Regional State Prosecutor sa lambak Cagayan ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para mas mabilis ang imbestigasyon sa krimen.

Kaugnay nito,nanawagan ang dating bise alkalde sa mga otoridad na imbestigahan ang ang magkakasunod umanong patayan sa bayan ng Conner. with reports from Bombo Marvin Cangcang