TUGUEGARAO CITY- Nanawagan ng malalimang imbestigasyon ang pamilya ng PMA cadet na namatay umano matapos na malunod sa swimming pool ng PMA nitong nakalipas na araw.
Emosyonal na sinabi Liezel Telan Binasoy, nakatatandang kapatid ni Cadet 4th Class Mario Telan Jr. na nais nilang maimbestigahan ang nangyari sa kanyang kapatid upang mapanatag ang kanilang kalooban sa tunay na nangyari sa kanyang kapatid.
Kaugnay nito, sinabi niya na madalas umano na sinasabi sa kanila ng kanyang kapatid na hindi siya marunong lumangoy sa tuwing mayroon silang swimming lesson.
Bukod dito, sinabi ni Liezel na laging sinasabi sa kanila ng kapatid na maayos ang kanyang kalagayan sa akademiya.
Kasabay nito, sinabi ni Liezel na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila mapaniwala na patay na ang kanyang kapatid.
Nabatid mula kay Liezel na inaasahang iuuwi ang mga labi ni Telan bukas ng gabi o sa Lunes sa Barangay Divisoria, Enrile, Cagayan.