Hindi palalampasin ng National Council on Disability Affairs ang ginawa ng isang atleta na kalahok sa kasalukuyang Private Schools Athletic Association (PRISAA) dito sa lungsod ng Tuguegarao na panggagaya sa isang may kapansanan na napost sa social media at napakarami ng views.
Sinabi ni Amy Decena ng NCDA, nakakagalit ang ginawa ng nasabing atleta na mula sa Region I at mga nanonood na pinagtatawanan ang kanyang ginagawang panggagaya sa isang may celebral palsy habang nagsasayaw.
Binigyang-diin ni Decena, ang mga may kapansanan ay hindi dapat na kinukutya sa halip ay magbigay galang dahil sila ay mayroon ding dignidad.
Sinabi ni Decena na hihilingin niya sa PRISAA na magkaroon sila ng personal na pulong sa nasabing atleta kasama ang mga opisyal ng palaro, Department of Education, at Commission on Higher Education upang marinig din ang kanyang panig.
Ayon sa kanya, nais niyang mag-public apology ang nasabing atleta at maging ang iba pang atleta na nanood at nagtatawanan.
Sumulat na rin siya sa pamamagitan ng email sa PRISAA, Deped, at Ched at ipinaalam ang nasabing insidente kaakibat ng kanyang pagkondena sa insidente.