
Itinalaga na ang mga bagong opisyal ng Partido Liberal ng Pilipinas (LP) sa kanilang National Executive Council and Officers (NECO) meeting nitong Biyernes.
Itinalaga si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan bilang Party Chair Emeritus, habang si Rep. Leila de Lima naman ang bagong Party Chairperson at si Erin Tañada ang Party President.
Kasama rin sa bagong pamunuan sina Albay Rep. Krisel Lagman bilang Executive Vice President, Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali bilang Treasurer, at dating Quezon City Rep. Kit Belmonte bilang Secretary-General.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangilinan ang LP bilang isang anti-political dynasty, anti-authoritarian, at pro-democracy na partido.
Ipinahayag niya rin ang pagtutok sa 2028 elections, na may layuning palakasin ang partido at makamit ang tagumpay sa susunod na halalan sa pamamagitan ng malawak na koalisyon.
Iginiit ni Pangilinan at ng LP ang kanilang tradisyon sa pakikipaglaban para sa katotohanan, karapatang pantao, at kalayaan, at ang hindi pagsuko sa anumang banta sa dignidad, buhay, at kalayaan ng mga Pilipino.









