
Nagtanong si pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay French Ambassador Marie Fontanel kung bakit hiniling ng France ang pagpapalaya kay dating kongresista na si Zaldy Co mula sa kustodiya ng Czech Republic.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sinabi ng French ambassador na hindi siya maaaring magbigay ng detalye tungkol dito, at iginagalang naman ito ng Pangulo.
Nauna nang sinabi ng Palasyo na hindi nasiyahan si Marcos sa naging resulta ng kaso, lalo na at nakalaya si Co mula sa kustodiya ng Czech authorities.
Lumalabas din na humihingi ng asylum sa France si Co dahil sa umano’y political persecution sa Pilipinas. Ayon sa Department of Foreign Affairs, nasa ilalim na siya ng hurisdiksyon ng French authorities.
Matatandaang inanunsyo mismo ni Marcos noong Abril 16 na nahuli si Co sa Czech Republic dahil sa problema sa kanyang travel documents.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ng Palasyo na tumanggi ang Czech government na magbigay pa ng karagdagang impormasyon tungkol sa kaso ni Co matapos ang pulong ng Pangulo kina acting head ng embassy na si Eva Tenzin.
Kinumpirma naman ni Tenzin na naaresto si Co dahil sa hindi valid na travel documents.
Samantala, pinangunahan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang koordinasyon para sana maibalik si Co sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ng isang testigo mula sa Anti-Money Laundering Council na umano’y tumanggap si Co ng mahigit P802 milyon mula sa isang contractor na may kinalaman sa sinasabing ghost flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.









