Binisita at nakiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pumanaw na myembro ng Philippine Air Force na nasawi sa pagbagsak ng Super Huey helicopter sa Agusan del Sur habang nagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA matapos ang pananalasa ng bagyong Tino.

Personal na nagtungo ang Pangulo sa PAF Mortuary sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City ngayong araw para magbigay-pugay at makiramay sa mga naulilang pamilya nina Captain Paulie B. Dumagan at Second Lieutenant Royce Louis G. Camigla, na kasalukuyang nakaburol sa naturang pasilidad.

Habang nauna nang naiuwi sa kanilang mga lalawigan ang mga labi nina Sergeant John Christopher Golfo at Airman First Class Ericson Merico.

Nag-alay ng dasal at pagpupugay ang Pangulo bilang pagkilala sa katapangan, dedikasyon, at sakripisyo ng mga nasawing piloto at crew, na itinuturing na mga bayani sa kanilang tungkulin sa gitna ng sakuna.

Sinalubong si Pangulong Marcos ni Major General Pablo Rustria, Acting Vice Commander ng PAF, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng Air Force.

-- ADVERTISEMENT --

Nag post din sa social media ng kanyang pakikiramay ang Punong Ehekutibo. Anya, nagdadalamhati ang bansa sa pagpanaw ng mga magigiting na tauhan ng Philippine Air Force na nag-alay ng buhay sa paglilingkod sa sambayanan.

Sinabi pa nitong, hindi malilimutan ang tapang at sakripisyo ng mga ito sa pagbibigay-tulong sa mga nangangailangan, at sa ngalan ng sambayanang Pilipino, ipinagdarasal daw nya ang kapanatagan ng mga naiwan nilang pamilya at mahal sa buhay.