Dumating na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington, DC kaninang 2:48 a.m. oras sa Pilipinas.

Nakatakdang makipagpulong si Marcos Kay US President Donald Trump sa White House.

Bibisita din siya sa Pentagon para sa pulong kay Defense Secretary Pete Hegseth at Secretary of State Marco Rubio. 

Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, pag-uusapan nina Marcos at Trump ang defense and security.

Ayon sa kanya, ito ay para sa pagpapatibay sa lahat ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US, lalo ang Mutual Defense Treaty.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan din na tatalakayin ng dalawang lider ang sitwasyon sa West Philippine Sea.

Sinabi pa ni Romualdez na makikipagpulong din si Marcos sa business leaders, kabilang sa semiconductor industry na napakahalaga umano para sa ating bansa, at ito ang isa pinakamalalaking industriya na mayroong economic ties ang bansa sa US.

Idinagdag pa niya na inaasahan na tatalakayin din ng dalawang lider ang 20 percent tariff sa mga produkto ng bansa na pumapasok sa US, at umaasa na magkakaroon ng trade agreement na pakikinabangan ng dalawang bansa.

Subalit sinabi ni Romualdez na hindi kasama sa agenda sa pulong ang kontrobersiyal na immigration policy ni Trump.

May kasalukuyang 3,772 Filipinos na natukoy ng US Immigration and Customs Enforcement na hindi nakulong subalit may “final orders for removal.”