
Muling ipinaalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga myembro ng Philippine Air Force ang kanilang tungkuling manatiling tapat sa Konstitusyon at ipagtanggol ang mga demokratikong institusyon ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa ika-79th Founding Anniversary ng Philippine Air Force ngayong araw, hinikayat ng Pangulo ang mga sundalo ng hukbong panghimpapawid na panatilihin ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo, disiplina at integridad sa pagtupad sa kanilang mandato.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo na pangunahing responsibilidad ng Air Force ang pangalagaan ang mamamayang Pilipino at ipagtanggol ang mga kalayaang ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Kasabay nito, tiniyak ni Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa modernisasyon ng Philippine Air Force sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga bagong helicopter, aircraft at surveillance radar.
Magpapatuloy din anya ang pamahalaan sa pagsasanay ng mga tauhan sa pamamagitan ng advanced flight simulation, specialized intelligence training at pakikilahok sa military exercises kasama ang mga kaalyadong bansa.
Nagpaalala rin ang Pangulo sa pamunuan ng Air Force na tiyaking ligtas at nasa maayos na kondisyon ang lahat ng aircraft upang matiyak ang kaligtasan ng mga piloto at iba pang military personnel sa bawat misyon.










