Binigyang-diin ni law professor Dean Ralph Sarmiento na ang kaniyang mga legal na pananaw ay batay sa sariling interpretasyon sa Konstitusyon at hindi inilalahad upang paboran ang alinmang panig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang paglilinaw ni Sarmiento matapos tanggihan ang kahilingan ng defense team na humarap siya bilang unang saksi nito sa impeachment court.

Ayon sa propesor, handa siyang magbahagi ng legal na opinyon kung tatawagin ng impeachment court bilang kaibigan ng korte o amicus curiae, ngunit hindi bilang saksi ng depensa o prosekusyon.

Iginiit din niyang wala siyang kinakampihang politikal at nais lamang suriin ang magkabilang panig bago bumuo ng sariling pananaw sa mga usaping legal at konstitusyonal na nakapaloob sa paglilitis.